Umabot na sa mahigit Php1.79 bilyon ang kabuuang halaga ng kompensasyong naipamahagi ng Marawi Compensation Board (MCB) para sa mga biktima ng Marawi Siege, batay sa datos hanggang Abril 15, 2025.

Ayon sa MCB, nasa 1,857 claim na ang kanilang nareresolba.

Sa bilang na ito, 1,430 claims ang tuluyang inaprubahan na may katumbas na halaga ng kompensasyon na umaabot sa mahigit ₱2.46 bilyon.

Mula sa mga aprubadong claims, 1,052 katao na ang aktwal na nakatanggap ng kani-kanilang bayad-pinsala.

Samantala, 176 claims ang hindi naaprubahan dahil sa iba’t ibang dahilan, habang kasalukuyan namang sinusuri pa ang 251 claims na isinampa ng mga sharers, renters, at co-owners.

Patuloy ang pagtanggap at pagproseso ng MCB sa mga aplikasyon ng kompensasyon, alinsunod sa layuning maibalik ang dignidad at kabuhayan ng mga naapektuhan ng sigalot sa Marawi City noong 2017.