Mas maraming pasahero ang nagsipagbiyahe kahapon, araw ng Miyerkules Santo, kumpara ngayong Huwebes Santo, Abril 17.

Sa panayam ng Star FM Cotabato kay Emmanuel Torrefiel, Controller ng Mindanao Star Bus, sinabi nitong dagsa ang mga pasahero kahapon. Ayon sa kanya, marami ang mas piniling bumiyahe nang mas maaga upang makaiwas sa posibleng abala ngayong Huwebes Santo.

Bagama’t may kabawasan sa bilang ng pasahero ngayong araw, hindi pa rin kampante ang pamunuan ng terminal. Pinaghahandaan na nila ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero mamayang hapon hanggang gabi.

Ayon kay Torrefiel, nasa 30 unit ng bus ang kasalukuyang pinatatakbo ng Mindanao Star Bus simula pa alas-4 ng madaling araw.

Bilang paalala, hinikayat ni Torrefiel ang mga mananakay na sumunod sa mga regulasyon at tagubilin ng terminal upang maiwasan ang anumang abala at matiyak ang kaligtasan sa kanilang biyahe.