Mahigpit ang pagbabantay ng mga kapulisan sa iba’t ibang terminal sa lungsod ngayong Mahal na Araw, bilang bahagi ng pagpapatupad ng seguridad sa gitna ng inaasahang dagsa ng mga pasahero.

Naabutan ng 93.7 Star FM Cotabato news team ang puspusang pagbabantay ng mga tauhan ng Cotabato City Police Office (CCPO) sa mga pampublikong terminal sa lungsod. Isa-isa nilang iniinspeksyon ang mga bag, bagahe, at gamit ng mga pasahero na sasakay ng bus at van patungo sa iba’t ibang destinasyon.

Bukod sa mga checkpoint at visibility patrol, may mga nakatalagang uniformed personnel at intelligence units na nakaantabay sa paligid ng terminal upang maagapan ang anumang posibleng banta sa kaligtasan at kaayusan ng publiko.

Ayon sa mga pulis na naka-duty, layon ng kanilang mahigpit na pagbabantay na masiguro ang kaligtasan ng mga mananakay ngayong Semana Santa. Pinapayuhan din nila ang mga pasahero na makipagtulungan sa mga otoridad at agad na ireport kung may mapansing kahina-hinalang bagay o tao sa paligid.

Dagdag pa rito, pinaalalahanan din ang publiko na huwag iwanan ang kanilang mga gamit at tiyaking nakaayos ang mga ito upang maiwasan ang pagkaantala ng biyahe o pagkakaroon ng security concerns.

Sa kabila ng mahigpit na seguridad, nananatiling maayos at payapa ang sitwasyon sa mga terminal. Maaga ring dumating ang karamihan sa mga pasahero upang makaiwas sa abala at masiguro ang kanilang biyahe pauwi sa kani-kanilang mga probinsya.

Ang hakbang na ito ng kapulisan ay bahagi ng mas pinalakas na seguridad ngayong Semana Santa, bilang tugon sa inaasahang paggalaw ng maraming tao sa mga pampublikong lugar gaya ng simbahan, mga pantalan, at terminal.