Dalawang (2) miyembro ng armadong grupo ang nasawi sa magkahiwalay na operasyon ng militar sa Maguindanao del Norte at Sultan Kudarat noong Abril 18, 2025.
Sa ulat ni Brigadier General Romulo Quemado II, Commander ng 1st Marine Brigade, napatay si Norsaidie Samo Tato, miyembro ng Tato Group, sa engkwentrong naganap pasado alas-5:00 ng umaga sa Barangay Meti, Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Ang operasyon ay isinagawa ng Marine Battalion Landing Team-5 (MBLT5) kasama ang PNP at iba pang ahensiyang pangseguridad.
Narekober sa lugar ang ilang uri ng armas at kagamitan tulad ng shotgun, .45 at .22 caliber na baril, granada, mga bala, handheld radios, mga pasaporte at ID.
Sa hiwalay na operasyon sa Barangay Banali, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat, isa pang miyembro ng communist terrorist group ang napatay bandang alas-5:00 ng hapon.
Nag-ugat ang operasyon ng 7th Infantry Battalion sa reklamo ng mga residente ukol sa pangingikil ng grupo sa mga magsasaka, negosyante, at politiko. Isang M16 rifle ang narekober sa pinangyarihan.
Pinapurihan ni Major General Donald Gumiran ng 6th Infantry Division ang matagumpay na operasyon at hinikayat ang iba pang rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan.
Nanindigan naman ang militar na patuloy ang kanilang pagbabantay sa kabila ng Semana Santa upang matiyak ang seguridad sa rehiyon.