Isinusulong ngayon sa Bangsamoro Parliament ang panukalang gawing batas ang taunang pagkakaloob ng Salamat Excellence Award for Leadership (SEAL Award), na layuning kilalanin ang mga natatanging opisyal ng lokal na pamahalaan sa rehiyon.
Nangunguna sa pagsusulong ng panukalang ito si Attorney Naguib Sinarimbo, bagong halal na miyembro ng parlyamento at dating kalihim ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG-BARMM).
Sinimulan ni Sinarimbo ang SEAL Award noong 2022 bilang pagkilala sa mga lokal na lider na mahusay, masigasig, at tapat sa paghahatid ng serbisyo publiko sa kani-kanilang nasasakupan.
Batay sa ulat nitong Linggo, Abril 20, 2025, sinuportahan ng lima pang miyembro ng parlyamento ang panukala, kabilang sina MPs Abdullah Hashim, Romeo Sema, Rashdi Adiong, Alirakim Munder, at Amer Zaakaria Rakim.
Nakasaad sa panukalang Salamat Excellence Award for Leadership (SEAL) Act of 2025 na makatatanggap ng gintong medalya ang mga napiling opisyal taun-taon, kalakip ang P20 milyong insentibo para sa pagpapatupad ng mga proyekto sa kanilang mga komunidad.
Ang pangalang “Salamat” sa SEAL Award ay mula sa yumaong Hashim Salamat, isang Maguindanaon at tagapagtatag ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong 1981, matapos humiwalay sa Moro National Liberation Front (MNLF) na kaniyang binuo kasama si Nur Misuari noong dekada ’70.
Naitatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong 2019 bilang bunga ng 22 taon ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at MILF.
Pinalitan nito ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na may mas limitadong kapangyarihan. Ngayon, magkatuwang na namumuno ang MILF at MNLF sa ilang ahensya ng BARMM, at may kinatawan sa 80-miyembrong regional parliament.
Kumpiyansa si MP Sinarimbo na susuportahan ng mga kasamahan niya sa parlyamento ang SEAL Award Act upang maisabatas ito at patuloy na maitaguyod ang mabuting pamumuno sa rehiyon.