Tatlong (3) katao ang naaresto habang aabot sa ₱170,000 ang tinatayang halaga ng shabu ang nasamsam sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Purok Rambutan, Barangay Magsaysay noong Abril 18, 2025.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Esperanza Municipal Police Station at 2nd Provincial Mobile Force Company ng Sultan Kudarat Police Provincial Office sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kinilala ang mga nahuling suspek sa mga alyas na “Gina,” 45 anyos na itinuturing na Street Level Individual (SLI), “Dindo,” 25 anyos, at “Mayto,” 19 anyos na pawang mga residente ng Talitay, Maguindanao del Norte.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 25 gramo, keypad-type na cellphone, iba’t ibang identification cards at ₱1,000 marked money.
Agad na dinala sa himpilan ng pulisya sa Esperanza ang mga suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Ayon sa mga awtoridad, bahagi ito ng mas pinaigting na kampanya ng Philippine National Police laban sa iligal na droga sa rehiyon.