Isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Balindong Municipal Police Station (MPS), Provincial Special Operations Group (PSOG), at Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Lanao del Sur Police Provincial Office (LDSPPO) bandang alas-4:00 ng hapon noong Abril 19, 2025 sa Barangay Paigoay, Balindong, Lanao del Sur.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Beki,” isang residente ng naturang barangay.
Ayon kay Police Colonel Robert S. Daculan, Provincial Director ng LDSPPO, pinuri niya ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang isang aluminum double mint box na kulay berde na naglalaman ng walong (8) maliit na transparent na sachet ng hinihinalang shabu; isang (1) maliit na sachet ng hinihinalang shabu na nabili ng poseur buyer mula sa suspek; na may tinatayang kabuuang bigat na 0.25 gramo at halagang P1,700.00.
Narekober din ang marked money na ginamit sa operasyon, halagang P250.00 na salapi sa iba’t ibang denominasyon, at isang (1) disposable na lighter na kulay berde.
Dinala na sa himpilan ng Balindong MPS ang naarestong suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.
Inihahanda na rin ang kasong isasampa laban sa suspek sa ilalim ng paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.