Isinapubliko ng COMELEC ang talaan ng Task Force Kontra Bigay, matapos mapabilang sa listahan ang dalawang kilalang personalidad sa politika ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nasasangkot umano sa isyu ng vote buying.
Kasama sa mga nabigyan ng Show Cause Order ay si Former Buluan Mayor, dating Maguindanao del Sur Governor at Congressman Esmael “Toto” Mangudadatu, na ngayon ay muling nagbabalik sa politika at tumatakbo bilang kongresista ng nasabing probinsya. Kasama rin sa talaan si Maguindanao del Sur Gubernatorial candidate Datu Ali Midtimbang, na ngayo’y target din ng imbestigasyon.
Nag-ugat ang reklamo sa umano’y pamimigay ng mga multicab. Ang naturang sasakyan ay may nakapaskil na pangalan ni Datu Ali Midtimbang bilang “Governor, Maguindanao Sur,” na tila may halong pulitikal na layunin ayon sa COMELEC.
Ipinag-utos ng komisyon na magpaliwanag sina Mangudadatu at Midtimbang kaugnay ng insidente. Binigyan sila ng ilang araw upang magsumite ng sagot sa reklamo, batay sa mga probisyon ng Omnibus Election Code.
Nagpaalala ang COMELEC at Task Force Kontra Bigay na ang anumang uri ng regalong may kaugnayan sa kampanya ay mahigpit na ipinagbabawal. Patuloy rin ang kanilang pagbabantay sa iba’t ibang lalawigan ng BARMM upang matiyak ang malinis at patas na halalan.
