Inisyu ng Commission on Elections (COMELEC) ang isang Show Cause Order laban kay Jerren Jude Bacas, kilala sa social media bilang si “Thailand Girl” o TG, dahil sa umano’y pagkakasangkot sa vote buying o pamimili ng boto.
Kasama si TG sa ikalawang batch ng mga pangalan na inilabas ng COMELEC na umano’y lumabag sa mga alituntunin ng halalan. Bagamat karamihan sa listahan ay mga kandidatong politiko, si TG ang natatanging personalidad na hindi tumatakbo sa anumang posisyon sa gobyerno, ngunit nasangkot pa rin umano sa iregularidad.
Ayon sa ulat, ipinadala ang Show Cause Order upang pagpaliwanagin si TG sa mga alegasyong may kinalaman sa vote buying o pamimili ng boto, kapalit ng suporta para sa isang partikular na partido.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag si TG hinggil sa isyu. Sa ngayon, binibigyan siya ng COMELEC ng ilang araw upang makapagsumite ng kanyang kasagutan at paliwanag kaugnay ng mga paratang.
Nagpaalala naman ang COMELEC sa publiko, lalo na sa mga influencer at online personalities, na umiiral ang mga regulasyon sa pangangampanya at pamimili ng boto, kahit pa hindi sila mismong kandidato. Anumang aktibidad na maaaring makaimpluwensya sa resulta ng halalan ay dapat ginagawa nang naaayon sa batas.