Walang naitalang kaso ng pamimili o pagbebenta ng boto sa lungsod ngayong halalan, ayon sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay PLt. Rochelle Evangelista ng Cotabato City Police.

Ayon kay PLt. Evangelista, bagama’t laganap ang mga ispekulasyon sa ilang lugar, wala namang opisyal na reklamo o ulat na kanilang natanggap kaugnay sa vote buying o vote selling sa Cotabato City. “Hanggang sa ngayon ay wala pa tayong kumpirmadong kaso ng pamimili ng boto. Wala ring sinumang nag-report ng ganitong insidente,” pahayag niya.

Gayunpaman, iginiit ng opisyal na hindi dapat magpakakampante ang publiko. “Mahalagang malaman ng ating mga kababayan na ito ay mahigpit na ipinagbabawal. Ang sinumang mapatutunayang sangkot sa pagbebenta o pamimili ng boto ay mananagot sa batas,” dagdag ni Evangelista.

Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), ang vote buying at vote selling ay may kaakibat na mabigat na parusa sa ilalim ng Omnibus Election Code. Hinimok rin ng PNP ang mga mamamayan na agad magsumbong sa mga awtoridad kung sakaling may mapansing ganitong uri ng iregularidad sa panahon ng halalan.

Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad upang matiyak ang malinis at patas na halalan sa Cotabato City.