Nagkaroon umano ng kaguluhan sa isinagawang Final Testing and Sealing (FTS) ng mga Automated Counting Machines (ACM) sa bayan ng Rajah Buayan kahapon ng hapon, matapos magkapisikalan ang dalawang poll watchers sa loob ng covered court ng nasabing bayan.

Ayon kay PLT. Argie Eyana, hepe ng Rajah Buayan PNP, sangkot sa insidente ang dalawang hindi pinangalanang babae na kapwa nagoobserba sa ginagawang pagsusuri sa mga makina ng mga Board of Election Inspectors (BEIs).

Base sa paunang ulat, hindi sinasadyang masagi ng isa sa kanila ang isa pa dahil sa siksikan ng mga tao sa lugar. Dahil dito, nauwi sa mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa nagkasabunutan at tuluyang nagkapisikalan.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng kapulisan at militar upang awatin ang dalawang babae at resolbahin ang sitwasyon sa maayos na paraan.

Kalaunan ay nagkaayos din ang dalawang panig at pinaalalahanang huwag idaan sa karahasan ang anumang hindi pagkakaunawaan, lalo na’t maaaring magdulot ito ng negatibong imahe sa mata ng publiko at sa social media.

Sa kabila ng insidente, naging matiwasay at maayos pa rin ang kabuuang proseso ng FTS, at inaasahang ihahatid na ang mga makina sa mga polling precinct na pagdarausan ng halalan sa darating na linggo.