Arestado ang isang pekeng dentista matapos isagawa ng mga awtoridad ang isang entrapment operation sa Cotabato City, ayon sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group o ACG.
Ayon kay ACG chief Police Brigadier General Bernard Yang, ang suspek ay isang estudyanteng nag-aalok ng dental services gaya ng teeth cleaning at paglalagay ng braces kahit wala itong kaukulang lisensya.
Noong Abril 28 isinagawa ang operasyon laban sa mga nag-aalok ng dental services online.
Nahuli ang suspek na kinilalang si alyas Park, na ayon kay Yang ay natuto lamang sa panonood ng mga video sa YouTube at hindi dumaan sa tamang pag-aaral.
Nakipag-ugnayan ang ACG sa Philippine Dental Association at nakumpirmang hindi lisensyado ang naturang suspek bilang dentista.
Mahaharap ito sa kasong paglabag sa Philippine Dental Act of 2007.
Simula Marso 12 hanggang Abril 28, labing-apat na katao na ang naaresto ng ACG sa siyam na entrapment operations na isinagawa sa Cotabato City, Zamboanga City, Ipil sa Zamboanga Sibugay, Davao City at Tagum City dahil sa ilegal na dental services.