Ipinakalat na ng 601st at 602nd Brigade ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang karagdagang mga sundalo sa mga itinuturing na election priority areas, bilang bahagi ng paghahanda para sa halalan ngayong Lunes.

Sa ilalim ng 601st Brigade, pinuntirya ang mga bayan ng Datu Abdullah Sangki, Ampatuan, Shariff Aguak, Datu Hoffer, Datu Unsay, at Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao del Sur. Ayon kay Brig. Gen. Edgar Catu, layon ng hakbang na ito na suportahan ang Comelec sa pagpapanatili ng ligtas at mapayapang halalan. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagiging propesyunal ng mga sundalo at ang pag-iwas sa pakikialam sa pulitika.

Samantala, ipinakalat na rin ng 602nd Brigade ang kanilang tropa sa North Cotabato, Special Geographic Areas, at ilang bahagi ng Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte. Pinangunahan ni Brigade Commander Brig. Gen. Ricky Bunayog ang send-off ceremony, kung saan kanyang iginiit ang mahalagang papel ng mga sundalo sa pagtiyak ng malinis na halalan.

Ang mga sundalong naipuwesto ay sumailalim sa orientation upang mapaghandaan ang mga posibleng hamon sa seguridad sa araw ng botohan.