Inaasahan ng Commission on Elections (COMELEC) na maipoproklama na ang 12 nanalong senador sa katatapos lamang na halalan sa Sabado, Mayo 17.

Batay sa ulat ng COMELEC, hanggang tanghali ng Martes — isang araw matapos ang eleksyon — nasa 98.99% na ng kabuuang election returns (ERs) ang naipadala sa kanilang transparency server. Sa kabuuang 93,387 ERs, 92,453 na ang natanggap.

Ayon kay COMELEC spokesperson John Rex Laudiangco, nagpapatuloy ang kanilang running tally ng boto kaya’t inaasahang araw-araw silang maglalabas ng updated at hindi opisyal na bilang ng mga boto.

Samantala, inilabas na rin ng komisyon ang listahan ng mga kandidato na hindi maaaring iproklama kahit pa sila ay manalo. Kabilang dito sina Marcelo Teodoro ng Marikina 1st District, Christian De Guzman Sia bilang kinatawan ng Pasig, Mayor Fatimah Sali Salih ng Tawi-Tawi, at Mayor Belshezzar Abubakar ng Panglima Estino, Sulu, pati na rin ang iba pang mga kandidatong may kinakaharap na mabibigat na kaso.

Paliwanag ni Laudiangco, tanging ang Korte Suprema lamang ang maaaring maglabas ng temporary restraining order (TRO) na siyang maaaring pumigil sa pagpapatupad ng proklamasyon ng mga kandidatong ito.