Muling nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) sa lahat ng tumakbong kandidato na tanggalin ang kani-kanilang mga campaign materials limang (5) araw matapos ang halalan.
Batay sa Section 30 ng COMELEC Resolution No. 11086, obligadong alisin ng mga kandidato ang lahat ng kanilang election propaganda kahit wala nang abiso mula sa ahensya.
Sakop ng kautusan ang mga materyales na ginamit para sa kampanya, anuman ang anyo o laki, at kung sino man ang nakinabang dito ay inaatasang mag-ayos at magtanggal ng naturang mga kagamitan.
Dagdag pa rito, hinihikayat din ng COMELEC ang mga kandidato at partido na magsagawa ng mga aktibidad na makakatulong sa kapaligiran gaya ng tree planting bilang bahagi ng carbon offsetting efforts, batay naman sa Section 4 ng COMELEC Resolution 11111.
“Panahon na para linisin ang ating kapaligiran mula sa mga campaign materials na nagkalat. Maging huwaran sana sa responsableng pamumuno ang pagtupad sa panawagang ito,” paalala ng COMELEC.