Patay ang isang kilalang social media influencer sa Mexico matapos siyang barilin habang naka-livestream sa TikTok.

Kinilala ang biktima bilang si Valeria Marquez, 23-anyos, na kilala sa kaniyang mga content tungkol sa beauty at makeup.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente noong Martes sa isang beauty salon sa lungsod ng Zapopan, kung saan nagtatrabaho si Marquez. Habang naka-livestream, bigla na lamang pumasok ang isang lalaki sa salon at binaril siya.

Makikita pa sa video ang lalaki na pinulot ang cellphone ng biktima bago tuluyang pinutol ang livestream.

Ayon sa pahayag ng Jalisco state prosecutor, iniimbestigahan ang insidente bilang isang kaso ng femicide — ang pagpatay sa isang babae dahil sa kaniyang kasarian.

Si Marquez ay kilala sa Mexico at may mahigit 200,000 followers sa Instagram at TikTok.

Bago ang insidenteng ito, isang babaeng mayoral candidate rin sa estado ng Veracruz ang napatay habang naka-livestream, kasama ang tatlong iba pa.

Batay sa datos ng pamahalaan ng Mexico, mayroong 847 na kaso ng femicide na naitala sa buong bansa noong nakaraang taon. Sa unang tatlong buwan naman ng kasalukuyang taon, 162 kaso na ang naiulat.