Dalawang sundalong miyembro ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion ang ginawaran ng Wounded Personnel Medal matapos masugatan sa isang armadong pag-atake habang ginagampanan ang kanilang tungkulin kaugnay ng halalan ngayong taon.

Kinilala ang mga sundalong sina 2nd Lt. Kent Carreon at Cpl. Kevin Galanza na tumanggap ng medalya mula kay Maj. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division, sa isang seremonyang isinagawa sa Camp Siongco Station Hospital kung saan sila kasalukuyang sumasailalim sa medikal na gamutan.

Nasugatan sina Carreon at Galanza matapos tambangan ng armadong grupo habang nagsasagawa ng visibility patrol sa Barangay Kuloy, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur — bahagi ng kanilang tungkulin bilang tagapangalaga ng kapayapaan sa panahon ng halalan.

Ang paggagawad ng pagkilalang ito ay patunay sa matibay na paninindigan ng mga sundalo ng JTF Central sa pagtatanggol sa demokrasya, sa kabila ng panganib at tensyon sa rehiyon. Ipinamalas nina Carreon at Galanza ang tunay na dedikasyon at katapangan sa gitna ng mapanganib na sitwasyon upang matiyak na maririnig ang boses ng bawat mamamayan.

Ang kanilang sakripisyo ay nagpapatibay sa diwa ng malayang halalan at nagpapaalala sa lahat ng kahalagahan ng serbisyo at katapatan sa bayan.