Tahasang sinisi ni Sultan Kudarat Governor Pax Ali Mangudadatu si Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo sa naging pagkatalo ng mga kandidato ng Alyansa ng Bagong Pilipinas sa rehiyon ng Mindanao nitong katatapos lamang na halalan.

Sa isang panayam, sinabi ni Mangudadatu — na kasalukuyang Vice President for Internal Affairs ng LAKAS-CMD — na si Lagdameo umano ang nasa likod ng mga maniobrang pampulitika sa loob ng administrasyon na naging sanhi ng pagkawasak ng alyansa at nakaapekto sa pagpapatupad ng mga pangunahing programa ng pamahalaan.

Ayon pa sa gobernador, may namumuong dibisyon sa loob ng administrasyon at si Lagdameo raw ang pangunahing dahilan nito, imbes na pagkakaisa ang pairalin.

Ibinunyag din ni Mangudadatu na bago pa man magsimula ang kampanya, nagkaroon na ng banggaan sa pagitan ng partido ni Lagdameo — ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) — at ng LAKAS-CMD kasama ang mga kaalyado nito.

Dagdag pa niya, kahit siya ay isang incumbent at senior official ng LAKAS-CMD, tinapatan pa rin siya ng isang kandidato mula sa PFP — isang hakbang na aniya’y malinaw na paglabag sa prinsipyo ng “equity of the incumbent.”

Dahil dito, maraming lokal na lider ang nagtampo at lumipat ng suporta sa oposisyon, partikular sa kampo ng mag-amang sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at kasalukuyang Bise Presidente Sara Duterte.

Hindi rin nakaligtas ang Alyansa sa matinding pagkatalo sa balwarte mismo ng PFP at ni Governor Jun Tamayo sa Tupi, South Cotabato, na lalong nagpabigat sa kanilang pagkabigo sa rehiyon.