Nilinaw ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua na normal lamang ang panghihimasok ni Special Assistant to the President (SAP) Antonio Lagdameo sa mga usapin ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa eksklusibong panayam ng 93.7 Star FM Cotabato, sinabi ni Macacua na bagama’t may sariling autonomiya ang BARMM, may mandato pa rin ang Malacañang na gampanan ang tinatawag na oversight function — isang tungkulin na hindi lamang nakatuon sa BARMM kundi sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Ginawa ni Macacua ang pahayag matapos ang batikos ng ilang pulitikal na personalidad sa rehiyon, partikular ni Sultan Kudarat Governor Pax Ali Mangudadatu, kaugnay ng umano’y pakikialam ni Lagdameo sa political affairs ng BARMM.

“Malaking tulong para sa amin ang ginagawang pakikipag-ugnayan at suporta ni SAP Lagdameo,” ayon kay Macacua. “Patunay lang ito ng commitment ng national government na tulungan ang mga rehiyon para sa mas maayos na pamumuno at serbisyo.”

Dagdag pa ng Chief Minister, hindi dapat bigyan ng maling kulay ang nasabing panghihimasok.

Aniya, ito ay bahagi ng normal na proseso sa pamahalaan at hindi dapat gawing isyu.