Nanawagan si Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa publiko na palalimin ang pang-unawa sa kasalukuyang pamamalakad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), lalo na ng mga nasa labas ng rehiyon.
Sa isang eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato, sinabi ni Macacua na may ilan pa ring opisyal at indibidwal na tila hindi matanggap ang bagong sistemang umiiral sa BARMM, kahit sila mismo ay bahagi ng gobyerno.
Aniya, dala ito ng lumang ‘orientation’ kung saan ang tungkulin ng nasa loob ng gobyerno ay labanan pa rin ang mismong institusyon.
“Kung inaasahan ng ilan na kami ay magsisilbi nang perpekto, iyon ay isang kamalian…,” giit ng Chief Minister.
Nilinaw pa ni Macacua na ang transisyon mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) patungong BARMM ay hindi lamang simpleng pagpapalit ng pangalan o istruktura.
Aniya, ito ay isang pagbabago ng kaisipan o mindsetting—na kung ikaw ay nasa gobyerno, dapat mong akuin at yakapin ang responsibilidad bilang isang tunay na lingkod-bayan.
“Hindi ito usapin ng posisyon lamang. Ito ay usapin ng pagkatao, ng paninindigan, at ng tunay na paglilingkod,” dagdag pa niya.
Ang pahayag ni Macacua ay tugon sa mga kritisismo at hindi pagkakaunawa ng ilan ukol sa takbo ng pamumuno sa BARMM.
Aniya, mali rin umano na iasa ng publiko ang isang perpektong pamamahala sa loob ng anim na taong transisyon, lalo pa’t ito ay panahon ng pagtatatag at pagwawasto sa mga nakasanayang sistema sa rehiyon.
Sa huli, panawagan ni Macacua sa mga nasa labas ng BARMM at sa mga hindi pa ganap na nakakaunawa sa sistemang umiiral: “Intindihin muna natin ang kabuuang konteksto. Huwag tayong basta humusga. Maging bukas tayo sa mas malalim na pag-unawa sa layunin ng Bangsamoro.”
Ang panawagang ito ay nananatiling mahalaga sa patuloy na pagtahak ng rehiyon sa landas ng kapayapaan, reporma, at tunay na awtonomiya.