Buong pasasalamat ang ipinaabot ng Commission on Elections–BARMM sa matagumpay na pagdaraos ng halalan sa rehiyon noong Mayo 12.

Ayon kay BARMM Regional Election Director Atty. Ray Sumalipao, naging maayos at ligtas ang eleksyon sa kabila ng matinding init ng pulitika at emosyon sa nakalipas na mga araw.

Sa eksklusibong panayam ng 93.7 Star FM Cotabato, binigyang-pugay ni Atty. Sumalipao ang tulong at dedikasyon ng iba’t ibang sektor at ahensya gaya ng PNP, AFP, Philippine Coast Guard, Marines, electoral support staff, maging ang mga kawani ng MBHTE-BARMM na nagsilbing frontliners ng halalan.

Pinasalamatan din niya ang mga aktibong botante na nakibahagi sa proseso ng demokrasya.

Bagamat may ilang tensyon sa mga lugar na hindi sinunod ang covenant signing ng mga kandidato, nilinaw ni Sumalipao na walang naitalang failure of elections o pagkaantala sa alinmang presinto.

Isa rin sa mga hamon na kinaharap ng COMELEC ay ang pag-atras ng ilang mga guro na dapat sanang magsilbing Board of Election Inspectors (BEI), subalit ito’y agad naresolba sa tulong ng mga itinalagang Special BEI mula sa hanay ng kapulisan.

Ayon pa kay Atty. Sumalipao, ang lahat ng aral at karanasan mula sa katatapos na halalan ay gagamitin bilang pundasyon sa paghahanda para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections na gaganapin sa Oktubre ng taong kasalukuyan.