Maraming pamilya ang napilitang lumikas dahil sa malawakang pagbaha na tumama sa iba’t ibang barangay sa Maguindanao del Sur, dulot ng matinding pag-ulan na dala ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ).

Isa sa mga pinakaapektadong lugar ang Datu Anggal Midtimbang, kung saan umapaw ang Brar River at nagdulot ng malalaking baha. Nasagip din ang daan-daang residente na na-stranded dahil sa tumataas na tubig.

Ayon kay Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua, may mga lugar na halos ang tanging nakikita na lamang ay mga bubong ng mga bahay dahil sa baha. Sa kabila nito, wala namang iniulat na pagkasawi dahil sa sakuna.

Patuloy ang mga awtoridad sa pagsasagawa ng rescue at relief operations upang matulungan ang mga naapektuhan habang nananawagan sila sa publiko na maging alerto at sundin ang mga paalala sa kaligtasan.