Nilinaw ng kampo ni Mayor Reynalbert O. Insular na walang katotohanan ang mga kumakalat na balita tungkol sa umano’y pagkakaaresto niya at ng kanyang maybahay na si Janet P. Insular kaugnay sa pagkamatay ni dating Vice Mayor Roldan Benito ng South Upi.

Ayon sa opisyal na pahayag, noong Mayo 20, 2025, sa ganap na ika-11 ng umaga, boluntaryong humarap sina Mayor Insular at ang kanyang asawa sa tanggapan ng PNP Provincial Office ng Bangsamoro Autonomous Region (PNP PRO-BAR). Ipinunto ng kanilang kampo na ito ay bahagi ng isang voluntary surrender upang maipakita sa publiko na wala silang tinatakbuhan at handa silang harapin ang anumang isyu o alegasyon laban sa kanila.

“Magandang pagkakataon ito upang mapatunayan nila sa harap ng hukuman na sila ay walang kinalaman sa pagkamatay ng dating bise-alkalde,” saad sa pahayag. Anila, ito ay isang paninira lamang na may halong election propaganda upang sirain ang reputasyon ni Mayor Insular, na kilala sa kanyang mga nagawa para sa mamamayan ng South Upi.

Mariing itinanggi ng kampo ang mga ulat sa social media na nagsasabing inaresto si Mayor Insular. Nilinaw nila na ang mga ito ay “fake news” at wala umanong basehan. Sa katunayan, may hawak silang kopya ng Certificate of Detention na nagpapatunay na sila ay boluntaryong sumuko at hindi inaresto.

Binanggit din sa pahayag ang jurisprudence na “People vs. Dario Roldan (G.R. No. L-22030)” kung saan sinasabing hindi maituturing na boluntaryong pagsuko kung may nakabinbing warrant of arrest. Ngunit sa kaso nina Mayor Insular, binigyang-diin ng PNP PRO-BAR na sa mismong umaga ng Mayo 20, 2025, wala silang natatanggap na anumang warrant of arrest para sa mag-asawa.

Ayon pa sa kampo, ang kanilang pagsuko ay hindi bunga ng pagkakasangkot sa krimen kundi upang patunayan sa mamamayan na wala silang tinatago. Ito ay “BALUKTOT SA TUNAY NA NANGYARI,” giit nila.

Pinaalalahanan din ni Mayor Insular ang publiko na maging mapanuri at huwag basta-basta maniwala sa mga maling balita. Aniya, siya ay magpapatuloy sa kanyang serbisyo at maglalabas ng opisyal na pahayag sa mga susunod na araw upang tuluyang linawin ang isyu.

Sa pagtatapos ng pahayag, hinikayat ng kampo ni Mayor Insular ang kanyang mga taga-suporta at ang mamamayan ng South Upi na huwag magpagamit sa pamumulitika at magpokus sa tunay na paglingkod sa bayan.