Binigyang-diin ng 6th Infantry Kampilan Division na ang pakikipagkaisa sa bawat sektor ng lipunan at aktibong pakikilahok sa mga Peace and Order Councils (POCs) ang susi sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato, inilahad ni Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6ID at Joint Task Force Central, na aktibong kalahok ang kanilang hanay sa mga POC mula rehiyonal, probinsya hanggang sa antas-bayan upang mas mapatatag ang ugnayan sa kapulisan, civil society groups, at mga lokal na lider.

Ayon kay Orbon, walang ibang mekanismong ginagamit ang kanilang hanay kundi ang sama-samang pagkilos at kooperasyon upang maitaguyod ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.

Giit pa ni Orbon, mahalaga ang malawak na partisipasyon ng bawat sektor upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan at mapalakas ang kampanya kontra karahasan at kaguluhan sa rehiyon.