Nakikita na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) ang lahat ng mga palatandaan upang ideklara ang pagtatapos ng tag-init at pagsisimula ng tag-ulan.
Ayon kay Ana Liza Solis, hepe ng Climate Monitoring and Prediction Section ng PAG-ASA, posible nang ideklara ang opisyal na simula ng rainy season sa susunod na linggo.
Paliwanag ni Solis, lumalabas sa kanilang obserbasyon ang mga karaniwang senyales ng pagsisimula ng tag-ulan, na karaniwang nangyayari mula kalagitnaan ng Mayo hanggang sa unang dalawang linggo ng Hunyo.
Upang pormal na ideklara ang tag-ulan, kinakailangan ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa at ang pag-iral ng mga kondisyon gaya ng pagbago ng direksyon ng hangin—mula sa easterlies patungong habagat.
Dagdag pa ni Solis, ang madalas na pag-ulan tuwing hapon at gabi ay isa rin sa mga indikasyong papalapit na talaga ang tag-ulan.
Kasabay ng inaasahang pagsisimula ng tag-ulan, muling nananawagan ang PAG-ASA sa mga magsasaka at mga residente ng mabababang lugar na maging mapagmatyag sa banta ng mga biglaang pagbaha na maaaring idulot ng iba’t ibang weather disturbance gaya ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ), mga bagyo, at mga localized o severe thunderstorm.