Hindi pa rin natatapos ang kalbaryo ng mga residente sa mga barangay ng Kapinpilan at Malatimon matapos muling bahain ang kanilang mga kabahayan nitong linggo. Ayon sa ilang residente, ito na ang ikawalong beses na kanilang naranasan ang pagbaha sa kanilang lugar.
Ang biglaang pagtaas ng tubig ay sinasabing dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan at kakulangan ng maayos na daluyan ng tubig, dahilan para mabilis na tumaas ang tubig-baha at pumasok sa mga kabahayan. Ilan sa mga residente ay napilitang lumikas, habang ang iba nama’y pilit na inililigtas ang kanilang mga gamit at alagang hayop.
Sa kabila ng paulit-ulit na kalamidad, patuloy ang pagbangon at pagtutulungan ng mga taga-Kapinpilan at Malatimon. Subalit, aminado rin silang kinakailangan nila ngayon ng tulong upang makatawid sa krisis.
Sa kanilang mapayapang panawagan, humihiling ang mga residente ng agarang tulong mula sa pamahalaan, lalo na sa pagkain, malinis na inuming tubig, gamot, trapal, at iba pang pangangailangan.