Naaresto na ang mga suspek sa pamamaril at pagpatay kay Police Executive Master Sergeant Geoffrey Angub, miyembro ng Bagumbayan Municipal Police Station at residente ng Brgy. Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat.
Sa isinagawang hot pursuit operation ng Isulan Municipal Police Station, katuwang ang iba pang yunit ng Sultan Kudarat Police Provincial Office (SKPPO), nadakip ang mga suspek na mag-ama, sina alyas “BJ”, 25 anyos, at alyas Vincent, 44 anyos.
Nahuli sila habang sakay ng kulay asul na Ford Raptor dakong 12:55 ng tanghali nitong Mayo 27 sa Crossing Repolyo, Brgy. Sulit, Polomolok, South Cotabato.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, personal na alitan ang isa sa mga itinuturong motibo sa krimen. Naganap ang insidente bandang 2:15 ng madaling araw sa Peneza Street, Brgy. Kalawag 2, Isulan.
Ilang sandali matapos makita ng mga residente na magkasamang naglalakad sina Sgt. Angub at isa sa mga suspek, narinig na nila ang sunod-sunod na putok ng baril.
Dumating umano ang isa pang suspek sakay ng sasakyan at pinaputukan ang biktima, na agad nitong ikinasawi. Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek.
Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang limang basyo ng bala ng kalibre .45, isang basyo ng 9mm, isang Glock 17 na may serial number PNP 35696 na pagmamay-ari ng PNP, at isang magazine na may 14 na buhay na bala ng 9mm.
Ang mga ebidensyang ito ay isasailalim sa ballistic examination at technical evaluation ng Sultan Kudarat Provincial Forensic Unit.
Kasalukuyan nang inihahanda ang kasong murder laban sa mga naarestong suspek.