Kabuuang 292 na dating miyembro ng MILF at MNLF ang nagtapos na sa kanilang anim na buwang Bangsamoro Police Basic Recruitment Course na hatid ng Police Regional Office – BAR.
Sila ang pangalawang batch ng mga dating rebelde na sumailalim sa pagsasanay ng Bangsamoro Training Center- National Police Training Institute bago nanumpa sa tungkulin ng pagiging Patrolmen and Women.
Pinangunahan ni PRO-BAR Regional Director BGen. Prexy D. Tanggawohn ang pagtatapos ng Batch 2023-02 o ang Class Alpha-Foxtrot “HIMAGLASIK”.
Sa naging talumpati, iginiit ni Tanggawohn na hindi lang sa pagtatapos natatapos ang paghubog sa mga ito bilang mabubuting alagad ng batas kundi daraan pa sila sa mga pagsasanay para maging epektibo na tagapagpatupad ng batas.
Hinimok nya din ang mga nagsipagtapos na magsilbi ng may integridad, disiplina, pagsunod sa batas, paggalang sa karapatang pantao at katapatan sa tungkuling sinumpaan.
Kung maaalala, mismong si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. mismo ang nanguna sa pagtatapos ng unang batch ng mga Bangsamoro Police noong nakaraang Abril 29 sa PRO-BAR kunsaan 100 sa mga kasapi ng Batch 2023-01 BAKAS-LIPI Alpha Bravo Class ang nagtapos.