Nanawagan si Bangsamoro Parliament Member Atty. Suharto “Teng” Ambolodto ng agarang pagkilos para palakasin ang sektor ng agrikultura, pangisdaan at kagubatan sa rehiyon, sa kanyang privilege speech noong Mayo 29, 2025 sa ika-96 na sesyon ng Bangsamoro Parliament.

Ibinunyag niya ang 5% na pagbagsak sa sektor na ito, na nag-ambag sa mababang 2.7% na paglago ng Regional Gross Domestic Product (RGDP) ng BARMM noong 2024. Ayon sa kanya, dapat tugunan ang matinding kakulangan sa pagkain, malnutrisyon, at ang kahirapan ng mga maliliit na komunidad.

Kabilang sa mga binigyang-diin ang mataas na bilang ng child stunting (36.6% noong 2023), at ang patuloy na paghihirap ng mga kababaihang magsasaka. Bukod pa rito, bumaba rin ang produksyon ng seaweed at aquaculture dahil sa labis na pangingisda, epekto ng klima, at mga sakit sa palaisdaan.

Bagama’t may mga hamon, binigyang halaga ni Ambolodto ang lumalawak na partisipasyon ng BARMM sa “Blue Transformation” ng Food and Agriculture Organization (FAO), na layuning gawing mas matatag at patas ang mga sistemang pang-aquatic food. Ayon sa kanya, ang mga proyektong ito ay nagbibigay ng alternatibong kabuhayan at pag-asa sa mga lugar na dating apektado ng kaguluhan.

Binanggit din niya ang matibay na ugnayan ng FAO at ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) sa pagbubuo ng Fisheries Value Chain Roadmap—na kinabibilangan ng pagbuo ng hatcheries, pasilidad sa pagproseso, at seaweed nurseries sa mga baybaying lugar.

Ibinida rin niya ang suporta sa anim na community-based organizations sa Talitay, Maguindanao del Norte, sa ilalim ng Resilient Livelihood Development Project para sa kababaihan at kabataang bakwit, sa tulong ng FAO, MAFAR, UNFPA, at ng pamahalaan ng Australia.

Ayon sa kanya, ang mga proyektong ito ay “hindi basta ayuda kundi pamumuhunan sa kakayahan at kapayapaan.”

Pinuri rin niya ang ibang ministry na katuwang sa mga inisyatibaNG ITO tulad ng:

MTIT, sa pagbibigay ng branding sa lokal na produkto sa ilalim ng “Bai The Best”;

MOLE, sa pag-uugnay ng agribusiness sa kabataan;

at MSSD, sa pagsiguro ng social protection at gender-responsive programs.

Sa huli, nanawagan si MP Ambolodto sa Bangsamoro Parliament na:

Bigyang prayoridad ang nutrition-sensitive agriculture at fisheries;

Palakasin ang Halal value chains;

Ipatupad nang buo ang sustainable fisheries roadmap;

Suportahan ang kabataan at kababaihan bilang agripreneurs;

At tiyaking tama at patas ang paggamit ng block grant para sa food security, economic inclusion, at climate resilience.

Aniya, “Ang pamumuhunan sa matatag na agrikultura ay hindi lang para sa pagkain, kundi para sa kapayapaan.”