Naglabas ng babala ang Department of Health (DOH) kaugnay ng mga karaniwang sakit tuwing tag-ulan, kabilang na ang dengue, leptospirosis, influenza-like illnesses, at mga water- at food-borne diseases.

Ayon sa DOH, ang dengue ay nakukuha mula sa kagat ng lamok na namumugad sa mga lugar na may stagnant water. Kabilang sa mga sintomas nito ang mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit ng kasu-kasuan at kalamnan, pagduduwal, at pantal sa balat. Karaniwang lumalabas ang sintomas apat hanggang sampung araw matapos makagat ng lamok.

Hinihimok ng DOH ang publiko na agad magpatingin sa doktor kapag nakaramdam ng sintomas, at sundin ang 4S o 4T strategy: “Taob, Taktak, Tuyo, Takip” bilang pangunahing hakbang kontra sa dengue.

Nagpaalala rin ang ahensya na mag-ingat sa leptospirosis na nakukuha mula sa kontaminadong tubig-baha, pati na sa iba pang impeksyong dulot ng malamig at basang panahon.

Matatandaang opisyal nang idineklara ng PAGASA ang simula ng tag-ulan noong Hunyo 2.