Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 18-anyos na dalaga matapos matagpuang walang buhay at walang saplot sa isang creek sa bayan ng Makilala, Cotabato.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Rhona Mae Patricio, residente ng Purok Durian, Barangay Old Bulatukan.

Ayon sa ulat ng Makilala Municipal Police Station, bandang alas-7:30 ng gabi noong Martes, Hunyo 10, nagpaalam ang dalaga sa kanyang mga magulang na lalabas lamang upang maghanap ng cellphone signal. Gayunman, hindi na siya nakabalik pa sa kanilang tahanan.

Kinabukasan, bandang alas-7:30 ng umaga, natagpuan ang kanyang bangkay sa isang creek na nasa loob ng Boy Scout Camp sa parehong barangay.

Sa pahayag ni PCMS Richie Gesulga, tagapagsalita ng Makilala PNP, natagpuang wala nang saplot sa pang-itaas at pang-ibabang bahagi ng katawan ang biktima. Mayroon din itong malalalim na sugat sa harapan at likuran ng ulo na hinihinalang dahilan ng kanyang pagkamatay.

Bagama’t may posibilidad na ginahasa ang dalaga, hindi pa ito makumpirma habang hinihintay pa ang resulta ng isinasagawang postmortem examination.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, kabilang na ang pagsuri sa mga posibleng huling nakausap ng biktima sa text o online chat bago mangyari ang insidente.

Nanawagan ang mga awtoridad sa sinumang may impormasyon ukol sa kaso na makipag-ugnayan agad sa Makilala Police Station upang makatulong sa agarang pagresolba ng kaso at makamit ng pamilya ni Rhona Mae ang katarungan.

Mariin namang kinondena ng pamilya ng biktima at ng pamunuan ng kanyang paaralan ang brutal na krimeng sinapit ni Rhona Mae.