Patuloy ang isinasagawang monitoring ng Municipal Health Office (MHO) ng Malapatan, Sarangani Province sa 30 residente na iniulat na nakikain sa lutong karne ng asong sangkot sa pagkakakagat sa isang batang lalaki na nasawi kamakailan dahil sa rabies.
Batay sa ulat ng awtoridad, Mayo 18 nang makagat ng aso ang siyam na taong gulang na bata habang naglalaro sa labas ng kanilang tahanan sa Barangay Kihan. Hindi umano ito agad naipagbigay-alam sa mga magulang.
Hunyo 9 nang makaranas ng mga sintomas ang bata kaya agad siyang dinala sa Rural Health Unit (RHU) at nabigyan ng unang dose ng bakuna laban sa rabies. Sa kasamaang-palad, lalong lumala ang kanyang kondisyon at binawian ng buhay kinabukasan, Hunyo 10.
Dahil dito, agad nagsagawa ng contact tracing ang mga health authorities at nadiskubreng ang asong sangkot ay naluto at naihain sa 30 katao. Bilang pag-iingat, isinailalim sila sa isolation at nabakunahan laban sa posibleng exposure sa rabies.
Iniimbestigahan din kung may nalabag na batas sa naging pagkatay sa hayop na hinihinalang may dalang sakit.
Ayon sa MHO-Malapatan, ito ang kauna-unahang kasong may kaugnayan sa rabies na nagresulta sa pagkasawi ng isang menor de edad sa kanilang bayan ngayong taon.