Kritikal ngayon sa ospital ang dalawang magsasaka matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Barangay Inug-og, Pikit, North Cotabato kahapon ng tanghali.

Kinilala ang mga biktima na sina Dales at Norudin Adam, kapwa residente ng Barangay Barungis, Ligawasan sa Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, galing umano sa bayan ng Pikit ang dalawa at binabaybay ang bahagi ng Provincial Road sakay ng motorsiklo nang lapitan sila ng mga armadong suspek, na kapwa naka-motorsiklo rin, at walang sabi-sabing pinaputukan.

Tinamaan sa likod at tagiliran ang mga biktima at agad isinugod sa pinakamalapit na ospital ng mga rumespondeng residente.

Patuloy ang imbestigasyon ng Pikit Municipal Police upang matukoy ang mga responsable sa krimen at ang posibleng motibo sa likod ng pamamaril.