Nakaligtas sa isang mapanganib na sitwasyon ang bagong halal na konsehal ng Hagonoy, Davao del Sur matapos siyang lapitan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki, Lunes ng gabi sa Barangay Poblacion.

Batay sa CCTV footage, isang motorsiklo ang huminto sa gilid ng kalsada. Mula rito, may kinuha ang angkas sa kanyang bag bago tinangkang lapitan ang biktima na kinilalang si Konsehal Melvin Ordaneza.

Agad na tumakbo si Ordaneza patungo sa barangay hall para humingi ng tulong. Mabilis namang tumakas ang suspek matapos hindi matuloy ang kanyang plano.

Wala pang pagkakakilanlan ang suspek at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Ayon kay Ordaneza, wala siyang alam na personal na alitan at umaasa siyang agad malilinawan kung sino ang nasa likod ng insidente.