Inilabas ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng Ministry of Health – BARMM ang pinakahuling datos ukol sa monkeypox (mpox) kahapon, Hunyo 24, 2025, araw ng Martes, kung saan wala nang naitalang bagong suspected case sa buong rehiyon.
Mula Mayo 5 hanggang Hunyo 24, 2025, umabot sa 53 ang kabuuang kaso ng monkeypox sa BARMM. Kabilang dito ang 43 suspected cases, 2 probable cases, at 8 kumpirmadong kaso. Hindi kasama sa bilang ang mga kasong nagnegatibo na sa laboratoryo.
Sa 43 suspected cases, 13 ang may rejected specimens, 2 ang hindi nakuhanan ng specimen, at 28 ang kasalukuyang naghihintay pa ng resulta. Samantala, 27 ang nagnegatibong resulta sa mpox, kabilang ang isang suspected case na inilabas ang resulta kahapon mula sa RITM.
Nananatiling nasa 23% ang positivity rate ng mpox sa buong BARMM.
Sa distribusyon ng mga kaso ayon sa lugar, mayroong 25 suspected cases sa Cotabato City, walang probable, at 2 kumpirmadong kaso. Sa Maguindanao del Sur, may 8 suspected, walang probable, at 3 confirmed cases. Sa Maguindanao del Norte, may 8 suspected, 2 probable, at 3 confirmed. Sa Lamitan City naman, may 2 suspected cases at wala nang probable o confirmed cases.
Sa walong kumpirmadong kaso, pito na ang gumaling, habang isang suspected case sa Cotabato City ang binawian ng buhay.
May kabuuang 24 pasyente na ang nakarekober mula sa monkeypox – 10 mula sa Cotabato City, 9 mula sa Maguindanao del Norte, at 5 mula sa Maguindanao del Sur.
Muling paalala ng Ministry of Health – BARMM sa publiko: agad na kumonsulta sa pinakamalapit na health facility sakaling makaranas ng anumang sintomas na maaaring may kaugnayan sa monkeypox.