Pormal nang naghain ng kanyang unqualified courtesy resignation si Ministry of Public Works (MPW) Minister Arch. Eduard Uy Guerra, alinsunod sa Memorandum Order No. 074, Series of 2025 na inilabas ng Office of the Chief Minister (OCM) ng Bangsamoro Government.

Sa kanyang liham na may petsang Hunyo 25, 2025, sinabi ni Minister Guerra na sumusunod siya sa direktiba ng OCM na nag-uutos sa lahat ng Ministers, Deputy Ministers, at Heads of Offices and Agencies ng BARMM na magsumite ng kani-kanilang courtesy resignation.

“I respectfully tender my unqualified courtesy resignation as Minister of the Ministry of Public Works,” ani Guerra sa kanyang liham.

Gayunpaman, nilinaw ng kalihim na mananatili siya sa kanyang tungkulin upang ipagpatuloy ang mga rutinang trabaho habang hinihintay ang kaukulang aksyon mula sa OCM.

Ipinahayag rin niya ang pasasalamat sa tiwalang ibinigay sa kanya, at muling tiniyak ang kanyang paninindigan sa mga prinsipyo ng moral governance, integridad, pananagutan, at tapat na paglilingkod sa Bangsamoro.

Sa loob ng halos anim na taon ng kanyang panunungkulan, pinangunahan ni Guerra ang iba’t ibang proyekto sa ilalim ng MPW na hindi lamang nakatuon sa imprastraktura, kundi pati na rin sa pagpapalakas ng konektibidad, pagsuporta sa mga komunidad, at pagpapatibay ng tiwala sa pamahalaan.

Sa kanyang pagbitiw, iniiwan niya ang isang pamana ng lideratong may pananagutan at malasakit para sa kapakanan ng Bangsamoro.