Naghain ng kanyang courtesy resignation si BARMM Minister of Health Dr. Kadil “Jojo” Sinolinding Jr. sa Office of the Chief Minister kahapon, June 29.

Ang hakbang na ito ay tugon sa Memorandum No. 0074, series of 2025, na inilabas ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua. Sa nasabing memorandum, hinihikayat ang lahat ng appointed ministers, deputies, at mga pinuno ng iba’t ibang ahensya at opisina sa rehiyon na magsumite ng kanilang resignation letter hanggang ngayong araw, June 30.

Sa kanyang liham, binigyang-diin ni Dr. Sinolinding na isang malaking karangalan para sa kanya ang makapagsilbi sa mga mamamayan ng BARMM, lalo na sa larangan ng kalusugan, sa ilalim ng pamumuno ni Chief Minister Macacua.

Ipinahayag din niya ang kanyang buong suporta sa mga repormang isinusulong ng kasalukuyang administrasyon, partikular sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan sa rehiyon.