Sa patuloy na pinaigting na kampanya ng Philippine National Police laban sa ilegal na droga, matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Sitangkai Municipal Police Station ang isang hinihinalang tulak ng droga sa isinagawang operasyon sa Barangay Poblacion, Sitangkai, Tawi-Tawi noong Hunyo 25, 2025.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Tatay,” 19 anyos at residente ng nasabing bayan. Inaresto ito dahil sa paglabag umano sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon sa ulat mula sa Tawi-Tawi Police Provincial Office, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y pagkakasangkot ng suspek sa bentahan ng ilegal na droga. Agad namang kumilos ang mga tauhan ng Sitangkai MPS na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.

Nasamsam mula sa kanya ang siyam (9) na heat-sealed na transparent na straw na naglalaman umano ng shabu na tinatayang may halagang ₱8,200.00. Narekober din ang dalawang (2) improvised na tooter—isa kulay dilaw at isa pula—kasama ang siyamnapu’t siyam (99) na piraso ng ₱500 na perang papel na may kabuuang halagang ₱49,500.00, at isang kulay brown na sling bag.

Agad na isinagawa ang inventory at pagmamarka sa mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng insidente, sa harap ng mga opisyal ng barangay at miyembro ng media bilang pagsunod sa tamang proseso at para sa transparency.

Ipinabatid rin sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa oras ng kanyang pagkakaaresto. Sa ngayon, nasa kustodiya ng Sitangkai Municipal Police Station ang suspek at ang lahat ng nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Pinuri naman ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office – BAR, ang dedikasyon ng Sitangkai MPS at muling iginiit ang paninindigan ng PNP na patuloy na palakasin ang mga kampanya kontra droga.