Patay at duguan nang matagpuan ang isang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front – Bangsamoro Islamic Armed Forces (MILF-BIAF) sa Sitio Saipon, Barangay Gokotan, Malidegao, Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kahapon, Hunyo 30.
Kinilala ang biktima, batay sa mga dokumentong nakuha sa kaniya, na si Maldoy Alba, nasa tamang edad, at residente ng Barangay Galakit, Pagalungan, SGA-BARMM. Miyembro umano ito ng 129th Base Command ng MILF-BIAF.
Sa salaysay ng mga residenteng nakakita sa bangkay, nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima. Hinala ng mga awtoridad at lokal na residente, sa ibang lugar isinagawa ang pamamaslang at saka lamang itinapon ang bangkay sa nasabing lugar.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang motibo ng krimen at ang posibleng pagkakakilanlan ng mga responsable sa insidente.