Patay ang isang pulis at isang hinihinalang holdaper habang sugatan naman ang dalawang sibilyan sa engkwentrong naganap sa Barangay Commonwealth, Quezon City, madaling araw ng Hunyo 30, 2025.
Kinilala ang nasawing pulis bilang si Patrolman Curtney Harwin Baggay, nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Station 4. Ayon sa ulat, tinamaan ng bala sa dibdib si Baggay habang tumutugon sa insidente ng holdapan. Agad siyang isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Samantala, napatay rin ang hindi pa nakikilalang salarin na tinatayang nasa edad 25–35, may taas na 5’4”, nakasuot ng itim na t-shirt, jogging pants, at tsinelas.
Sugatan naman si alyas “Sonny,” ang biktima ng holdap na tinamaan ng bala sa balikat, at si alyas “Ira,” isang bystander na nadamay sa insidente at tinamaan ng ligaw na bala. Kapwa sila nilapatan ng lunas sa Maclang Hospital.
Batay sa imbestigasyon, bandang 2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Katipunan at Katuparan Streets, malapit sa Benigno Aquino Elementary School. Narinig umano ng mga rumespondeng pulis ang putok ng baril at agad na nagtungo sa lugar.
Nang dumating si Patrolman Baggay, nilapitan siya ng suspek na nagpanggap bilang concerned citizen at itinuro ang umano’y pinagtakbuhan ng holdaper. Ngunit nang tumalikod si Baggay, pinaputukan siya mula sa likuran. Bago bumagsak, nakaganti pa ito ng putok.
Rumesponde rin ang isa pang pulis at nabaril ang suspek na agad ring nasawi sa pinangyarihan.
Nagpaabot naman ng pakikiramay at pagkilala sa kabayanihan ni Baggay ang QCPD at NCRPO, na kinilala ang kanyang katapangan at sakripisyo sa pagtupad ng tungkulin.