Ipinagbubunyi ng buong rehiyon ng Bangsamoro ang makasaysayang pagkakahirang kay Atty. Allan Panolong bilang bagong National President ng Integrated Bar of the Philippines o IBP — ang opisyal at prestihiyosong samahan ng mga abogado sa bansa.

Si Atty. Panolong, na tubong Lanao del Sur, ay itinuturing na “Rose from the Ranks” matapos magsilbi bilang National Executive Vice President bago itinalagang pangulo ng organisasyon. Binigyang-diin ng mga kasamahan niya sa legal profession na ang kanyang tagumpay ay hindi lamang personal na tagumpay, kundi tagumpay rin ng Bangsamoro at ng buong Mindanao.

Sa kasaysayan ng IBP, si Atty. Panolong ang kauna-unahang Maranao lawyer na umabot sa dalawang pinakamataas na posisyon ng organisasyon — una bilang National EVP, at ngayon bilang National President.

Bukod pa rito, dati na rin siyang nagsilbing Pangulo ng IBP Lanao del Sur Chapter at naging gobernador ng IBP para sa Western Mindanao Region.

Ang IBP ay nilikha sa ilalim ng Republic Act No. 6397 at kinikilala bilang tanging opisyal na organisasyon ng mga lisensyadong abogado sa Pilipinas.

Sa kanyang pagkakahirang, isang bagong yugto ng representasyon at inspirasyon ang nabuksan para sa mga kabataang Bangsamoro na nagnanais tahakin ang landas ng batas at paglilingkod.