Binasag na ni dating BARMM Chief Minister at kasalukuyang MILF Chairman Ahod “Murad” Ebrahim ang kanyang pananahimik, matapos igiit na maayos ang relasyon nila ng kasalukuyang Chief Minister na si Abdulraof “Sammy” Macacua.

Ginawa ni Ebrahim ang pahayag kahapon, sa ginanap na seremonya ng turnover ng mga bagong halal na opisyal ng Maguindanao del Sur.

Ayon kay Ebrahim, hindi totoo ang kumakalat na tsismis na may hindi sila pagkakaunawaan ni Macacua, at nilinaw niyang hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa pagkakapalit sa kanya bilang Chief Minister.

Aniya, ang naging pangunahing isyu lamang ay ang hindi pagkakakumpleto sa 41 na itinalagang miyembro ng Bangsamoro Parliament mula sa hanay ng MILF, na paglabag umano sa probisyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at Bangsamoro Organic Law (BOL).

Dagdag pa niya, lalong lumala ang sitwasyon dahil sa mga maling haka-haka na may alitan sila ni Macacua at na hindi umano niya tinanggap ang pamumuno nito.

Ngunit mariing pinabulaanan ito ni Ebrahim, at sa matigas na pahayag ay sinabi niyang: “Hindi ganoon.” Giit pa niya, walang alitan o hidwaan sa pagitan nila ni Macacua.

Binigyang-diin ni Ebrahim na kaya niya ito sinabi ay upang tuldukan na ang mga tsismis at mapanatili ang pagkakaisa ng mga lider ng MILF sa Bangsamoro region.