Tatlong hinihinalang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) – Karialan Faction at Dawlah Islamiyah-Hassan Group ang boluntaryong sumuko sa tropa ng Marine Battalion Landing Team-2 (MBLT-2) ng 1st Marine Brigade ngayong araw, dala ang dalawang 60mm mortar at isang RPG launcher na may kasamang aktibong bala.

Ayon sa mga sumukong indibidwal, ang kanilang desisyon ay bunga ng labis na pagod sa pakikipaglaban, pangungumbinsi ng pamilya, at takot sa patuloy na operasyon ng militar. Isa sa kanila ay miyembro ng DI-Hassan Group habang ang dalawa naman ay mula sa BIFF-Karialan Faction.

Ang dalawang grupong ito ay kilala sa mga gawaing karahasan tulad ng pambobomba, pamamaslang, pangingikil, at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa terorismo. Bagamat pangunahing nakabase sa Maguindanao del Sur, natukoy sa naunang mga ulat ng intelligence na ang ilang operatiba ng DI-Hassan ay nagtatago sa Sitio Palau, Barangay Barira, sa bayan ng Barira, Maguindanao del Norte.

Lumabas din sa imbestigasyon na ang grupo ay konektado kina Emarudin Kulaw Kasan alyas “Alpha King” at Mustapha Kasan alyas “Abu Saiden”—mga kilalang high-value target na may mga kasong multiple murder at terorismo. Noong Marso 17, 2025, apat na miyembro ng kanilang grupo ang napatay sa isang raid ng militar, kabilang si Abu Saiden. Si Alpha King ay nakatakas, ngunit nagbanta umano ng paghihiganti.

Sa kabila ng banta, napilitan ang tatlong rebelde na isuko ang kanilang armas dahil sa matinding presyur mula sa operasyon ng pamahalaan. Kasalukuyan silang sumasailalim sa reintegration program ng gobyerno at binigyan ng paunang tulong gaya ng cash assistance, grocery packages, dalawang sako ng bigas, de-lata, at noodles. Hinihikayat din ng mga sumuko ang iba pa nilang kasamahan na sundan ang kanilang hakbang.

Sa isinagawang seremonyal na pagsuko sa HMBLT-2 sa Sitio Bliss, Barangay Nituan, Parang, Maguindanao del Norte, personal na sinalubong ni LTCOL John A. De la Cruz PN(M)(GSC), Commanding Officer ng MBLT-2, ang tatlong indibidwal. Nagpaabot siya ng pasasalamat sa kanilang sinserong pagbabalik-loob sa pamahalaan at binigyang-pugay ang mga tumulong sa tagumpay ng operasyon.

Samantala, nagpahayag din ng kasiyahan si BGEN Romulo D. Quemado PN(M), Commander ng 1st Marine Brigade, sa pagkakasuko ng tatlong rebelde. Ayon sa kanya, patunay ito na tunay ang layunin ng gobyerno na maisulong ang kapayapaan sa mapayapang paraan. “Ang nasaksihan natin ngayon ay garantiya na bukas ang ating mga bisig sa mga kababayan nating naligaw ng landas ngunit unti-unti nang bumabalik sa landas ng kapayapaan,” ani BGen. Quemado.

Ang panibagong hakbang na ito ay itinuturing na mahalagang bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng pamahalaan na tapusin ang dekadang sigalot sa rehiyong Bangsamoro.