Isang overseas Filipino worker (OFW) sa Jordan ang nananawagan ng tulong sa pamahalaan upang makauwi na sa Pilipinas dahil sa labis na pagmamalupit umano ng kanyang amo.
Kinilala ang OFW na si Manilyn Flores Juntilla, tubong Brgy. Banucagon, Pigcawayan, Cotabato at kasal sa isang taga-Quezon Province, Luzon.
Sa panayam ng Star FM Cotabato, inilahad ni Juntilla ang matinding hirap na dinaranas niya sa kamay ng kanyang amo. Ayon sa kanya, tambak ang trabahong iniaatang sa kanya, at kadalasan ay alas-3 na ng hapon siya nakakakain ng almusal. Bukod dito, may mga pagkakataong halos saktan na rin umano siya.
Bukod sa gawaing bahay, inaalagaan rin ni Juntilla ang mga anak ng kanyang amo. Dahil sa sobrang pagiging istrikto ng amo, paulit-ulit siyang pinagagawa ng mga gawain, dahilan upang labis siyang mapagod.
Ibinunyag din ni Juntilla na hindi siya binibigyan ng sahod — bagkus, diretso itong ipinapadala sa kanyang asawa sa Pilipinas kaya’t wala siyang hawak na pera, kahit pambili ng gamot kapag siya ay nagkakasakit.
Aniya pa, madalas ay tubig lamang ang kanyang iniinom upang malampasan ang gutom, at kung minsan ay nakikiusap siya sa ina ng kanyang amo na bigyan siya ng tinapay — na ibinibigay naman ng kasambahay doon. Hindi rin umano siya pinapayagang magluto, dahil binibilang ang pagkain sa bahay.
Labis na dismayado si Juntilla sa ahensyang nagpadala sa kanya — ang IEmploy Manpower Agency — na aniya’y tila walang pakialam sa kanyang sitwasyon. Hindi rin umano nito sinasagot ang pamilya ng naturang OFW sa Pilipinas.
Dahil dito, humihingi na ng tulong si Juntilla sa pamahalaan upang siya’y maibalik na sa bansa.
Sinubukan naman kunin ng Star FM Cotabato ang panig ng IEmploy Manpower Agency ngunit hindi sila sumagot sa aming panawagan.