Patuloy ang Bangsamoro Youth Commission (BYC) sa pagsusulong ng kabataang Bangsamoro bilang aktibong katuwang sa pagbabago at kaunlaran, matapos nitong igawad ang tig-P150,000 na research grants sa apat na youth-led projects sa ilalim ng Ideation Impact Challenge (IIC).

Ang IIC, na inilunsad noong 2021, ay layong hikayatin ang mga kabataan sa rehiyon na lumikha at magpatupad ng mga proyektong nakatuon sa peacebuilding at community development. Sa pinakahuling yugto ng programa, dumaan sa masusing pagsusuri ng mga eksperto ang mga panukalang proyekto bago mapili at pagkalooban ng pondo.

Noong 2024, muling iniakma ang layunin ng programa sa pagsusulong ng mga policy research na may temang Gender and Development (GAD). Tatlong youth research teams ang ginawaran ng tig-P200,000 upang magsagawa ng pananaliksik sa mahahalagang usapin tulad ng early and arranged marriage, mental health, at GAD sa pananaw ng Islam. Naiprisinta ang kanilang mga rekomendasyon sa ginanap na policy forum noong Disyembre 2024.

Ilan sa mga organisasyong nabigyan na rin ng pondo sa nakaraang mga cycle ay ang SPMS Box United Youth Leaders, Ethical Young Leaders Organization, Youth Leaders in Maguindanao, at Canizares National High School. Sa kasalukuyan, patuloy ang kanilang pagsasagawa ng mga pananaliksik na inaasahang maipapahayag sa mga susunod na buwan.

Ayon kay BYC Chairperson Nas Dunding, “Bahagi ito ng aming tuloy-tuloy na pagtutok sa pagpapalakas ng kabataang Bangsamoro. Sa tulong ng aming mga partner at eksperto, umaasa kami na ang mga pananaliksik ninyo ay magsisilbing gabay sa paggawa ng mga gender-responsive at youth-centered na mga programa.”

Dagdag pa niya, “Naniniwala kami na nagsisimula ang tunay na pagbabago kapag ginamit ng kabataan ang kapangyarihan ng pananaliksik, pakikipagtulungan, at malalim na pag-iisip. Ang inyong mga output ay magiging gabay para sa mas makatarungan at makabuluhang mga polisiya para sa kabataang Bangsamoro.”