Mariing pinabulaanan ng Department of Education (DepEd) ang kumakalat na impormasyon sa social media kaugnay ng umano’y pagkakaroon ng Saturday classes para sa mga mag-aaral mula elementarya hanggang senior high school.
Ayon sa DepEd, walang katotohanan ang nasabing advisory na nagsasabing magkakaroon na ng pasok tuwing Sabado simula Hulyo 5. Nilinaw ng ahensiya na hindi ito opisyal at peke ang dokumentong kumakalat.
Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng DepEd ang publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga impormasyong hindi mula sa kanilang opisyal na social media pages. Hinimok din ang lahat na maging mapanuri at mapagbantay sa mga maling balita o misinformation na posibleng magdulot ng kalituhan sa mga magulang at mag-aaral.
Matatandaang nagsimula ang pasukan para sa School Year 2025–2026 noong Hunyo 16, kung saan umabot sa humigit-kumulang 27 milyong estudyante ang naka-enroll mula preschool hanggang senior high school.