Isa na namang malaking hakbang para sa kapayapaan ang naisakatuparan sa probinsya matapos na tuldukan ang matagal nang alitan o rido sa pagitan ng dalawang grupo, sa inisyatibo ng 601st Infantry (Unifier) Brigade sa pangunguna ni Brigadier General Edgar L. Catu.

Isinagawa ang rido settlement nitong Miyerkules, Hulyo 2, 2025 sa kampo ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Germen T. Legada. Bahagi ito ng suporta ng militar sa adbokasiya ng bagong halal na gobernador ng Maguindanao del Sur na si Hon. Datu Ali Midtimbang, na isinusulong ang pagkakasundo at pagkakaisa ng mamamayan.

Ang nasabing sigalot ay kinasangkutan ng grupo nina Teng Mamo, isang opisyal mula sa NGF-MILF, at Mutawali Simpal. Sa tulong ng masinsinang dayalogo at kooperasyon ng iba’t ibang sektor, kabilang na ang MILF at lokal na pamahalaan, napagtagumpayan ang kasunduang magtatapos sa matagal na hidwaan.

Dumalo rin bilang mga saksi sa aktibidad sina Hon. Yasser Ampatuan (Board Member, Maguindanao del Sur), Hon. Al-Jofner Angas Sr. (Vice Mayor, Shariff Saydona Mustapha), Hon. Datu Norie Mamalo (SB Member), at mga kinatawan mula sa MILF, JPST, at iba pang peacekeeping bodies.

Ayon kay Brig. Gen. Catu, “Hindi lamang seguridad ang layunin ng ating brigade—kami rin ay nagsisilbing tulay para sa pagkakabati ng mga nagkakaalitang pamilya at grupo. Kasama kami sa adhikain ng gobernador para sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.”

Samantala, pinuri ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang naging hakbang ng 601st Brigade at 33IB. Aniya, patuloy ang suporta ng 6ID sa mga programang nagsusulong ng kapayapaan at pagkakaisa sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).