Sa bisa ng Memorandum Order No. 0074, Series of 2025, na nananawagan sa walang kondisyong pagbibitiw ng mga Ministro, Deputy Ministers, at mga pinuno ng tanggapan at ahensya ng Bangsamoro Government, nagsagawa ngayong Hulyo 5, 2025 (Muharram 10, 1447 H) si Chief Minister Abdulraof A. Macacua ng mahahalagang desisyon kaugnay ng nasabing kautusan.

Ayon sa opisyal na pahayag ng tagapagsalita ng Bangsamoro Government, ginabayan ng malinaw na pamantayan ang proseso ng pagsusuri, kabilang ang kakayahan, karanasan, kabuuang kalusugan, at higit sa lahat, ang pagsunod sa adbokasiya ng Moral Governance. Layon nitong tiyakin ang pagiging epektibo at episyente ng serbisyo publiko, lalo na habang papalapit ang pagtatapos ng transition period.

Batay sa naturang pagsusuri, tinanggihan ni Chief Minister Macacua ang courtesy resignation nina MENRE Minister Akmad Brahim, MFBM Minister Atty. Ubaida Pacasem, MOH Minister Dr. Kadil Sinolinding Jr., MOLE Minister Muslimin Sema, MSSD Minister Atty. Raissa Jajurie, at Deputy Minister at Acting Minister Jehan Usop ng MOST.

Samantala, patuloy ang masusing deliberasyon para sa iba pang ministries at tanggapan. Habang wala pang pinal na desisyon, pinayuhan ang mga hindi pa nababanggit na ministro at mga pinuno ng opisina na ipagpatuloy muna ang kanilang limitadong tungkulin.

Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na reporma sa pamahalaang Bangsamoro bilang pagtupad sa layunin ng makatao, makatarungan, at makabuluhang pamamahala.