Itinayo ng Bangsamoro Government ang kauna-unahang historical marker sa rehiyon, bilang pagkilala sa yumaong MILF Chairman Sheikh Salamat Hashim.
Matatagpuan ito sa dating tahanan ni Hashim sa Camp Abubakar, na dating sentro ng pakikibaka ng Moro Islamic Liberation Front. Inilagay ito ng Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage (BCPCH) bilang pagkilala sa mahalagang papel ng lugar sa kasaysayan ng Bangsamoro.
Ayon kay BCPCH Chairperson Dr. Salem Lingasa, simboliko ang pagpiling dito simulan ang programa ng historical markers. Aniya, “Ito ang puso ng ating kasaysayan, at tahanan ng isang lider na naka-ukit sa alaala ng bawat Bangsamoro.”
Si Hashim ang nagtatag ng MILF na nanguna sa pakikibaka para sa sariling pamahalaan ng Bangsamoro—na nagbunga ng kasunduang pangkapayapaan at pagkakatatag ng BARMM.
Ayon kay BARMM Senior Minister Mohammad Yacob, paalala ito ng mga sakripisyo ng mga naunang lider. Hinikayat niya ang kabataan na pag-aralan ang kasaysayan at pahalagahan ang pinagdaanan ng rehiyon.
Kasabay nito, itatayo rin ang isang eco-park sa kampo alinsunod sa Bangsamoro Memorial Marker Act of 2024.
Plano rin ng BCPCH na maglagay ng higit pang historical markers sa iba’t ibang lalawigan ng BARMM bilang bahagi ng adhikain nitong panatilihin at itaguyod ang mayamang kultura at kasaysayan ng Bangsamoro.