Isinusulong ng Bangsamoro Government ang mas pinaigting na implementasyon ng Universal Health Care (UHC) sa buong rehiyon ng BARMM, layuning mapalawak ang abot-kaya at dekalidad na serbisyong pangkalusugan.

Sa isinagawang BARMM-wide Technical Orientation, tinalakay ang Special Health Fund (SHF) at mga estratehiyang Collaborative Learning & Adaptation (CLA), na layong patatagin ang lokal na health systems sa rehiyon.

Ayon sa Ministry of Health, ang aktibidad ay hakbang upang maisulong ang isang “transparent, efficient, at inclusive” na sistema ng kalusugan sa rehiyon.

Tampok sa orientation ang karanasan ng mga probinsya ng Basilan at Maguindanao sa UHC integration, kabilang ang kanilang mga best practices at hamon. Lumahok din ang mga eksperto mula DOH, PhilHealth, MOH, at BTA Committee on Health upang magbahagi ng kaalaman, lalo na sa mga lugar na hindi pa devolved ang health systems.

Nagbigay rin ng updates ang mga eksperto ukol sa SHF budgeting, accounting standards, at health provider network contracting, na mahalaga sa maayos na paggamit ng pondo.

Kinatawan mula sa Cotabato City, Marawi City, Lanao del Sur, Tawi-Tawi, at mga Special Geographic Areas ang muling nagpahayag ng suporta sa UHC integration, at hinikayat ang patuloy na pagtutulungan ng LGUs at iba’t ibang sektor.

Layon ng UHC na matiyak ang patas na serbisyong medikal para sa lahat ng Bangsamoro, nang hindi kailangang mangamba sa gastusin.